‘Conflict of interest’ sa negosyo ni Sara sumingaw

Davao deals bubusisiin
MANILA, Philippines — Itinaas ni House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers ang posibilidad ng conflict of interest kaugnay ng mga transaksiyon ng Davao City government sa Gencorp Industries Inc., isang kumpanyang idineklara umano ni Vice President Sara Duterte bilang bahagi ng kanyang interes sa negosyo.
Ayon kay Barbers, kailangang maipaliwanag ang mga naturang kontrata habang pinalalawak ng mga prosecutor ng Kamara ang kanilang Article II case laban kay Duterte—mula sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman sa kanyang SALN hanggang sa mga rekord ng korporasyon at transaksiyon sa pamahalaan.
“There is a clear conflict of interest from the surface, alam mo na na merong conflict of interest,” ani Barbers.
Isa ang Gencorp sa mga kumpanyang lumilitaw sa SALN ni Duterte, na kinilala rin ng isang opisyal ng Ombudsman na naunang tumestigo. Batay sa ulat ng prosekusyon, tinatayang P14.32 milyon ang halaga ng mga transaksiyon ng Gencorp sa Davao City mula 2022 hanggang 2025, bahagi ng kabuuang P15.02 milyon na kontrata ng kumpanya sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang P696,829 mula sa regional office ng PhilHealth Davao.
Naganap umano ang mga kontrata habang si Sebastian “Baste” Duterte ang alkalde ng Davao at si Sara Duterte ay nagsisilbing Bise Presidente. Dahil dito, iginiit ni Barbers na dapat masusing siyasatin ang mga pangyayari sa likod ng mga kontrata.
“At dapat matanong kung ano ba itong kontrata na ito. At bakit Gencorp ang nakakuha ng kontrata na very clear sa dokumento ng korporasyong ito na ang nagmamay-ari umano ay si Pangalawang Pangulong Sara Duterte,” dagdag ni Barbers.
Iniutos ng Senate Impeachment Court ang pagpapalabas ng subpoena kay Mayor Baste para tumestigo at magsumite ng mga rekord ng lungsod mula 2020 pataas na may kaugnayan sa Gencorp at iba pang tinukoy na negosyo.
Ayon sa mga prosecutor, ipinatawag si Mayor Duterte dahil maaari siyang magkaroon ng mahalagang personal at opisyal na kaalaman hinggil sa mga transaksiyon, at hindi lamang dahil siya ay kapatid ng Bise Presidente. Siya ay testigo, hindi respondent sa kaso.
Bahagi ang mga transaksiyon ng Gencorp ng mas malawak na pagsusuri sa ilalim ng Article II upang matukoy kung ang idineklarang yaman at interes sa negosyo ni Duterte ay naaayon sa kanyang lehitimong kita, mga pagmamay-ari sa korporasyon, at iba pang rekord sa pananalapi.
Sinimulan ng mga prosecutor sa kanyang SALN at ngayon ay lumilipat sa mga rekord ng korporasyon, procurement, buwis, bangko, at iba pang dokumento ng pamahalaan upang buuin ang alegasyon ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
- Latest




















