School shootings ginagawang content sa social media, binira

MANILA, Philippines — Umapela si House Committee on Higher and Technical Education Chairman at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre sa publiko na huwag gawing content sa social media ang mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Kasunod ito ng pamamaril ng isang 16-anyos na estudyante sa Banga National High School, South Cotabato noong Setyembre 18 na ikinasawi ng tatlong estudyante kabilang ang suspek, habang pito pa ang nasugatan.
Pinuna ng solon na sa tuwing may nangyayaring karahasan sa mga eskuwelahan, agad itong ikinakalat online na dinadagdagan pa ng espekulasyon at maling impormasyon.
“We owe the families of Banga an honest accounting of what happened. We owe our schools stronger safeguards and our young people better access to help,” ani Acidre na nagpaabot ng pakikiramay sa mga biktima.
Dagdag pa niya: “Huwag nating gawing content ang kanilang pinagdadaanan. Behind every photograph and every post are real children and families whose suffering deserves compassion and respect.”
Binigyang-diin ni Acidre na hindi dapat agad ibunton ang sisi sa social media o online gambling, kundi mas mahalaga ang pagsubaybay sa kabataan sa kanilang tahanan at paaralan upang mabigyan ng tamang patnubay.
- Latest


















