ERC: VAT sa system loss, out na sa Nobyembre

MANILA, Philippines — Inaasahang sa November billing mararamdaman ng mga konsumer ang epekto ng pagtatanggal ng value added tax (VAT) sa allowable system loss charges na ipinapataw ng mga power utilities.
Ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC), nakipagpulong na sila sa mga stakeholders upang madaliin ang pagpapatupad ng circular na inisyu ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Setyembre 14.
“So hopefully, by October consumption natin ay mag-e-effect na ’yung walang VAT sa system loss charge, at ito ay makikita na natin sa November na bill na matatanggap natin,” pahayag ni ERC chairperson Francis Saturnino Juan sa panayam sa radyo.
Batay sa Revenue Memorandum Circular 097-2026, ang system loss charges na pasok sa cap na aprubado ng ERC ay hindi na papatawan ng 12% VAT at ituturing na government-mandated pass-through costs.
Nilinaw ng ERC na ang aalisin lamang ay ang VAT, hindi ang mismong system loss charge. Paliwanag ng BIR, ang system loss ay kaugnay ng generation at transmission costs ng kuryenteng nawawala, hiwalay sa mismong generation, transmission, at distribution charges na nananatiling may VAT.
Tinatayang nasa pagitan ng P20-P30 ang VAT sa system loss charge. Ayon sa Department of Energy (DOE), ang mga tahanang kumukonsumo ng 200 kilowatt-hours (kWh) kada buwan ay maaaring makatipid ng hanggang P20 sa kanilang electricity bills sa sandaling tuluyan nang matanggal ang VAT sa system loss charge.
- Latest




















