Gilas out na sa Asian Games

MANILA, Philippines — Bigo ang Gilas Pilipinas na madepensahan ang korona nito matapos lumasap ng 61-105 kabiguan sa kamay ng China upang tuluyan nang masibak sa 2026 Asian Games kahapon sa Aichi International Arena sa Nagoya, Japan.
Inilabas ng Chinese squad ang buong puwersa nito sa buong panahon ng laro para hindi na makaporma pa ang Pinoy cagers.
Naitarak pa ng China ang 66-30 kalamangan sa pagtatapos ng first half.
Hindi bumitiw ang China sa magandang momento sa second half nang umariba pa ito ng husto para palakihin sa 45 puntos ang kalamangan nito.
Nagawang maibaba ng Gilas Pilipinas ang lamang ng China sa 40-78 ngunit iyon na lamang ang nakayanan ng Pinoy squad.
Nahulog ang Gilas sa 1-2 rekord habang magmamartsa sa quarterfinals ang China tangan ang malinis na 3-0 baraha.
Kasama ng China sa quarterfinals ang Bahrain na may 2-1 marka.
Malaking kawalan para sa Gilas ang ilang key players nito na hindi nakapaglaro kabilang na si naturalized player Justin Brownlee na kasalukuyan pang nagpapagaling sa injury.
Wala rin sina Kai Sotto, AJ Edu, Dwight Ramos, Kevin Quiambao at Carl Tamayo.
Kaya naman sinamantala ito ng China na matamis na nakaresbak sa Gilas.
Matatandaang pinatalsik ng Gilas ang China sa semifinals ng 2023 edisyon ng Asian Games sa Hangzhou, China.
Naitarak ng Gilas ang matamis na 77-76 panalo kontra sa China para makapasok sa finals.
Dominado ng China ang rebounding department kung saan humatak ito ng 55 boards laban sa 36 lamang ng Gilas.
Nanguna para sa China si Wang Junjie na may 20 puntos at 14 rebounds habang nagdagdag naman si Liao Sanning ng 14 markers.
Gumawa pa si Yongxi Cui ng 10 points at 12 rebounds.
Tanging si Calvin Oftana ang nagtala ng double digits para sa Gilas bitbit ang 13 points habang may siyam na puntos naman si Sedrick Barefield at pito si Don Trollano.
- Latest
























