Progella-Pagara tandem kinapos sa AVC beach volley
MANILA, Philippines — Bigo sina Khylem Progella at Sofiah Pagara ng Alas Pilipinas Women na makasampa sa semifinal round ng 2026 AVC Beach Volleyball Continental Championship.
Nakalasap sina Progella at Pagara ng 11-21, 14-21 pagkatalo kina Taliqua Clancy at Stefanie Fejes ng Australia sa quarterfinals kahapon sa Shangluo, China.
Si Clancy ay isang three-time Olympian at Tokyo 2020 Olympics silver medalist, habang si Fejes ay nanalo ng bronze sa 2024 Paris Games.
Nauna nang pinatalsik nina Progella at Pagara sina Tsang Ngok Ling at Wong Man Ching ng Hong Kong, 21-10, 21-15, sa Round of 16 papasok sa quarterfinals.
Sa group stage ay magkasunod na tinalo ng mga pambato ng University of Santo Tomas sina Zamira Shagraeva at Odina Uralova ng Uzbekistan, 21-5, 21-7, at sina Kristina Karimova at Yekaterina Ryukhova ng Kazakhstan, 21-13, 21-14.
Nagmula sina Progella at Pagara sa pagrereyna sa nakaraang 2026 Volleyball World Beach Pro Tour Futures kung saan nila tinalo sina Rondina at Pons sa isang all-Filipina finals sa Busan, Korea.
Samantala, lumasap ang ‘SiPons’ ng 17-21, 27-25, 6-15 kabiguan kina No. 1 pair Asami Shiba at Reika Murakami ng Japan sa Round of 16.
Maaga namang nasibak sa torneo sina Alas Pilipinas Men tandem James Buytrago at Ronniel Rosales matapos ang tatlong dikit na kamalasan.
- Latest





















