Kaso ng leptospirosis tumaas -- DOH
MANILA, Philippines — Tumaas ang kaso ng leptospirosis sa bansa bunsod ng mga nararanasang mga malawakang pag-ulan at pagbaha nitong mga nakalipas na araw, dulot ng habagat.
Ito ay batay sa datos ng Department of Health (DOH) na mula Enero hanggang Agosto 27, ang mga kaso ng leptospirosis ay tumaas ng 5,400.
Sa naturang bilang, 500 pasyente ang kasalukuyang admitted sa iba’t ibang DOH hospitals sa buong Metro Manila.
Napag-alaman na nitong linggo ay tatlong pagamutan ang nagtaas na ng alarma sa kanilang emergency rooms na nag-o-operate na ng full capacity.
Kabilang dito ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City; San Lazaro Hospital sa Maynila; at Rizal Medical Center sa Pasig City.
Ang pag-apaw ng ER ng San Lazaro Hospital ay nagresulta upang magtayo na sila ng tents na may 10 beds para sa mild at moderate patients.
Ang manpower para sa mga naturang beds ay dinagdagan ng personnel mula sa Fabella Hospital, Philippine Orthopedic Center, National Center for Mental Health, Jose Reyes Memorial Medical Center, at DOH Health Emergency Management Bureau.
Ipinag-utos din ng DOH ang aktibasyon ng leptospirosis fastlanes sa 33 ospital nito.
- Latest


















