Arcilla kontra kay Tierro para sa PPS-PEPP crown
MANILA, Philippines - Itinakda nina Johnny Arcilla at PJ Tierro ang kanilang title showdown matapos walisin ang kanilang mga karibal, habang inayos ng magkapatid na Clarice at Christine Patrimonio ang duwelo para sa women’s crown sa 2017 PPS-PEPP Brookside Open sa Brookside Hills Tennis Club sa Cainta.
Tinalo ni Arcilla, sinapawan si Tierro sa kanilang mga nakaraang title clashes sa Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala Open circuit, si third seed Leander Lazaro, 6-2, 6-4, at giniba ni Tierro si No. 5 Ronard Joven 6-4, 6-4, sa P300,000 event na suportado ng PPS-PEPP at pinamahalaan ni BHTC president Allan del Castillo.
Pinaglalabanan nina Arcilla at Tierro ang korona at ang premyong P50,000 habang isinusulat ito.
Tinakasan naman ni Clarice si Rachelle de Guzman, 7-6 (1), 6-3, habang pinataob ni Christine si Chloe Sazara, 6-1, 6-0, para itakda ang kanilang agawan sa premyong P25,000 sa torneong itinataguyod ng PPS-PEPP, Slazenger, nina Rep. Jack Duavit at Mayor Johnielle Nieto, ng Victoria Construction, Mitsubishi Mirage, Rublou Mall, 9 One 9 Security Agency, nina chairman Buboy Sauro at BHTC president Allan del Castillo, at ng Phoenix 5R Solid Waste Enterprises at Sebastian Rice Mill.
Samantala, nakipagtambal si Arcilla kay Joven para biguin sina Tierro at Lazaro, 6-4, 7-6 (1), at angkinin ang men’s doubles title na nagkakahalaga ng P20,000.
Dinaig naman ng mag-utol na Patrimonio sina De Guzman at Khrizelle Sampaton, 6-3, 6-0, para sa women’s title.
- Latest