VP Sara kinasuhan ng plunder, graft

MANILA, Philippines — Nagsampa ng panibagong kaso ng plunder, malversation, at graft si dating senador Antonio Trillanes IV at civil society group na The Silent Majority laban kay Vice President Sara Duterte sa Ombudsman, nitong Miyerkules.
Ayon sa mga complainant, isinampa ang reklamo dahil sa mali umanong paggamit ng bilyun-bilyong halaga ng confidential funds at iba pang public funds.
Kabilang rito ang P650-M confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na sinasabi ng umano’y dating bagman ni Duterte na si Ramil Madriaga.
Kasama rin ang P2.7-B confidential funds mula sa Davao City noong panahon na Alkalde pa ng lungsod si Sara, P8-B halaga ng overpriced laptops; higit P12-B umano’y unliquidated cash advances noong ito pa ay DepEd Secretary at hindi umano natupad na target na pagtatayo ng mga silid-aralan.
Kabilang din sa reklamo ang hindi idineklarang yaman at pagkakaroon ng P2-B deposits at iba pang assets sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN), at iba pang alegasyon ng katiwalian; bribery at corruption dahil umano sa pagtanggap ng pera mula sa drug lord noong panahon ng panunungkulan bilang Mayor ng Davao City at betrayal of public trust dahil sa dalawang insidente ng pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Una nang nasampahan ng impeachment complaint si Duterte dahil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds sa OVP at DepEd.
“This is about accountability,” sabi ni Trillanes.
- Latest























