Pangulong Marcos, nilagdaan EO sa AI governance

MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 131 na nag-aampon sa Artificial Intelligence Governance Framework at lumilikha sa National Artificial Intelligence Council.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, layunin ng kautusan na matiyak na magagamit ang artificial intelligence (AI) upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino at hindi lamang para sa pagsusulong ng teknolohiya.
Binigyang-diin ni Castro na mahalagang matiyak na ang pagpapaunlad ng AI ay may konkretong benepisyo para sa mga manggagawa, negosyo, komunidad at sa buong bansa.
Sa ilalim ng EO, magtatatag ang pamahalaan ng malinaw na direksyon at sistema ng pamamahala para sa paggamit at pagpapaunlad ng AI sa bansa.
Layunin din nitong matiyak na ang paggamit ng AI ay magiging responsable, ligtas at etikal, habang may sapat na proteksiyon upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
Ayon pa kay Castro, mahalaga ang hakbang na ito upang matiyak na ang mga benepisyo ng AI ay mararamdaman ng mga manggagawa, negosyo, publiko at ng lipunan sa kabuuan.
- Latest


















