Status quo, sa halip na legal separation
Dear Dr. Love,
Isa po akong ginang ng tahanan at mayroong dalawang anak. Komportable ang aming pamumuhay dahil good provider naman ang aking asawa. Pinahinto na niya ako sa pagtatrabaho sa malaking bangko para maasikaso siya at ang aming mga anak.
Nagsimula ang aking problema nang lumaki ang kumpanyang hinahawakan ng mister ko. Halos hindi na siya umuuwi ng bahay dahil sa kaliwa’t kanan na kumperensiyang dinadaluhan. Kasabay nito ang panlalamig niya sa akin. Hanggang sa sunud-sunod ‘kong madiskubre ang kanyang mga pambababae, na ang iba ay ibinabahay at naanakan pa niya.
Maraming beses na siyang nangakong magbabago pero lagi naman siyang nahuhuli sa akto. Nakipaghiwalay na ako sa kanya kapalit ng pagsustento niya sa amin. Pero tumanggi siyang mag-file ako ng legal separation. Status quo na lang daw. Dahil sa nangyayari sa amin, nagrebelde ang aking mga anak. Nawala ang respeto nila sa kanilang ama. Lahat ay ginawa ko na para mapanatiling matatag ang aming pamilya. Tulungan mo po ako.
Maraming salamat po at more power to you.
Lonely Star
Dear Lonely Star,
Kung hindi na talaga mapipigil sa pambababae ang asawa mo, tama lang ang ginawa mo. Kailangan mo rin ang respeto para sa iyong sarili. Sa kabila ng pagrerebelde ng iyong mga anak, sikapin mo pa rin na maibalik ang respeto nila sa kanilang ama. Doblehin mo ang paggabay sa kanila para matiyak na hindi nila sasayangin ang kanilang buhay dahil sa pagrerebelde.
Dr. Love
- Latest
- Trending