VP Duterte, kinasuhan ng 3 counts ng grave threats – DOJ

Kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng 3 counts of grave threats si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court dahil nabanggit nito sa isang online press briefing na may kinausap na siyang papatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,First lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez kung siya ay mamamatay.
“We confirm that the complaint for Grave Threats against Vice President Sara Duterte was filed today, August 11, 2026, at around 1:30 p.m. with the Office of the Clerk of Court of the Quezon City Regional Trial Court,” sa isang pahayag ng DOJ.
Kasunod ito ng inirekomendang reklamong inciting to sedition ang grave threats laban kay Duterte ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ noong Pebrero 2025.
Naging pending para sa review sa DOJ ang mga reklamo hanggang sa pagsisimula ng impeachment trial ni Duterte, kung saan tumestigo si NBI Director Melvin Matibag, na pinag-aaralan ang posibleng sabwatan na kinasasangkutan ng Bise Presidente at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Sinabi naman ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Duterte na inaasahan na nila ang pagsasampa ng kaso, kasabay ng pagkumpirma na three counts ng kasong grave threats laban sa Bise Presidente.
Sinabi rin ni Atty. Paul Lawrence Lim na ibinasura ng DOJ ang reklamo ng NBI para sa Inciting to Sedition. Nanindigan si Atty Lim, na alinsunod sa mga batas, itinuturing na inosente ang Bise Presidente.
Tiwala rin ang abogado na sa huli ay madidismis ang mga kaso laban sa kanyang kliyente.
Paalala ng abogado na bilang impeachable official, ang Vice President ay hindi maaaring litisin sa usapin na subject din ng impeachment case.
- Latest




















