Cabral, nagpadausdos, hindi itinulak

Base sa 3D scan ng PNP
MANILA, Philippines — “Nagpadausdos at hindi itinulak si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral”.
Ito inihayag ng Philippine National Police (PNP), batay sa 3D scan ng bangin kung saan natagpuan ang labi nito noong Disyembre 18.
Ayon kay Col.Pierre Paul Carpio, officer-in-charge ng PNP Forensic Group, ipinapakita ng 3D scan na ang labi ni Cabral ay natagpuan 0.2 metro lamang ang layo mula sa paanan ng bangin, na may taas na 16.9 metro mula sa lugar kung saan siya huling nakita.
“Makikita niyo na ang layo ng katawan ng victim o cadaver ay around only 0.2 (meter) from the base of the ravine. Kung tinulak ito, chances are lalayo pa siya roon,” ani Carpio sa isang press briefing nitong Lunes.
“Makikita niyo rito na ang kamay ay may gasgas dito, pati likod. Ang laki ng probabilidad na nagpadausdos talaga siya,” dagdag pa niya.
Matatandaang natagpuan si Cabral sa bangin malapit sa Kennon Road sa Tuba, Benguet, matapos umanong magpaiwan sa kanyang driver sa gilid ng kalsada at nagtamo ng blunt traumatic injuries at nasawi.
- Latest


















