Ashtine, nag-mature sa bagong image

Iba-iba ang reaction ng fans sa bagong image ni Ashtine Olviga nang ipakilala sila ni David Licauco sa bagong handog ng Viva One, ang Pinoy adaptation ng sikat na K-drama na Fight for My Way.
Ito ay pagbabalik ni Ashtine sa Viva One at ang unang malaking proyekto ni David sa nasabing platform.
Ang Fight for My Way ay kwento ng mga ordinaryong tao na lumalaban para sa kanilang mga natatanging pangarap.
Umiikot ito sa dalawang matalik na magkaibigan, na orihinal na ginampanan ng Korean superstars na sina Park Seo-joon at Kim Ji-won bilang sina Dong-man at Ae-ra.
Nagkamit ang K-drama ng maraming parangal sa 2017 KBS Drama Awards na lalo pang nagpasikat sa mga bida nito.
Naging pop-culture phenomenon din ito lalo na nang mag-viral ang aegyo, o cute acting scene, sa palabas.
Sa Filipino adaptation, bibigyan ng bagong pangalan ang mga minahal na karakter bilang sina Hanz at Aira.
Pangarap ni Hanz na maging professional fighter, habang hangad naman ni Aira na maging TV announcer balang araw. Pero dahil sa problema sa pamilya at pera, isasantabi muna nila ang kanilang mga ambisyon.
Sa pagharap nila sa hamon ng buhay at muling pagsubok na abutin ang kanilang mga pangarap, maaari kayang mauwi na ang kanilang pagkakaibigan sa pag-iibigan?
Bilang determinado at palaban na si Aira, bibigyang-buhay ni Ashtine ang isang karakter na bagay sa kanyang likas na charm at personalidad.
Sa kabila ng pagtatrabaho sa information desk sa isang department store, hindi pa rin sumusuko si Aira sa kanyang pangarap na maging TV announcer.
Nakilala sa hit series na Ang Mutya ng Section E si Ashtine, nagkaroon din ng sariling anthology na Viva One Originals: Ashtine.
Ginampanan din niya ang lead role sa 2025 movie na Minamahal, na sinundan ng kanyang award-winning performance sa Manila’s Finest.
Kilala naman ng fans bilang Pambansang Ginoo, sumikat si David dahil sa kanyang role na Fidel sa historical drama na Maria Clara at Ibarra. Ang kanyang pagganap ay naging daan para siya ay maging isa sa mga hinahangaang leading men ng industriya.
Hindi lamang napansin ang kanyang screen presence, kundi pati na rin ang kanyang husay sa pag-arte.
Mas lalo pang magiging exciting ang serye sa bagong tambalan nina McCoy de Leon at Aubrey Caraan, na mapapanood bilang best friends ng mga karakter nina Ashtine at David.
Si McCoy ay gaganap na Manny (Joo-man sa orihinal na serye), ang tinaguriang “brain” ng grupo na nagtatrabaho sa isang home shopping network.
Bibigyang-buhay ni Aubrey ang papel ni Seol-hee bilang si Sally, ang sweet at maaasahang kaibigan nina Aira at Hanz at loyal na partner ni Manny.
- Latest





















