‘Pamamanhikan’ modus, bistado
Bebot, kasabwat timbog
MANILA, Philippines — Nalambat ang isang 23-anyos na babae at isang lalaking kasabwat sa isinagawang entrapment operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay sa romance-scheme estafa sa isang Chinese national na hinuthutan para sa pamamanhikan at kasal, sa Pasay City, nitong Sabado ng umaga.
Ang babaeng suspek ay inaresto nang tanggapin ang P10,000 marked money at dinakip din ang 29-anyos na lalaking kasama nito, na nagtangkang itakas siya sa mga awtoridad.
Naganap ang entrapment sa Seaside Boulevard, Brgy. 76, Pasay City bandang alas-10:20 ng umaga ng Setyembre 26.
Ayon sa Sub-Station 10 (MOA) ng Pasay City Police Station, dumulog sa pulisya ang 30-anyos na Chinese national na nagtatrabaho sa isang money changer dahil sa P130,000.00 na nakuha sa kanya at patuloy pa sa panghihingi, sa modus na kailangang ipakita sa mga magulang ng babaeng suspek ang pera, para payagan ang pamamanhikan at kasal.
Pilit umanong kinumbinse ng babae ang Chinese national na babasbasan ng kanyang magulang ang kanilang relasyon sa paghingi ng P130,000, nasundan ng P200,000 at nang sundan pa ng karagdagang P10,000 ay idinulog na ng biktima sa pulisya.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong Estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code at Obstruction of Justice sa ilalim ng Presidential Decree 1829.
- Latest






















