Pulis sinagasa ng lasing sa checkpoint, patay!

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang pulis na nagmamando sa checkpoint matapos na sagasaan ng rumaragasang sasakyan na minamaneho ng lasing na retiradong sundalo sa Jimenez, Misamis Occidental nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Police Master Sergeant Shelvib Cuajao Cabug, 47-anyos, nakatalaga sa Jimenez Police Station.
Si Cabug ay nasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital matapos isugod ng mga emergency responders.
Sa magkahiwalay na pahayag kahapon ng mga opisyal ng Misamis Occidental Provincial Police Office at Police Regional Office 10, ang driver ng Mitsubishi Xpander na hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan ay nakakakulong na sa detention facility nang arestuhin ng mga kabaro ni Cabug at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Lumalabas sa imbestigasyon na habang nasa gitna ng highway si Cabug at kanyang mga kasamang pulis sa Purok 5, Barangay Batuay sa Jimenez at abala sa pag-iinspeksyon sa checkpoint ng mga dumaraang behikulo nang biglang banggain ang una ng Mitsubishi Xpander na minamaneho ng nagmamay-ari nitong retiradong sundalo.
Nasa impluwensya umano ng alak ang driver, ayon sa mga rumespondeng barangay officials at police investigators sa insidente.
- Latest
















