School shooting ng 3 menor, napigilan

NBI nakatanggap ng tip sa FBI
MANILA, Philippines — Napigilan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang planong pamamaril ng tatlong menor-de-edad sa isang paaralan sa Batac, Ilocos Norte, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag nitong Martes, agad nilang ipinakalat ang Task Force on National Violent Extremism (TF-NVE) upang matukoy ang mga sangkot. Pawang 16-anyos ang tatlo at magkakapitbahay na umano’y nagplanong isagawa ang pamamaril sa Disyembre 16, kasabay ng pagsisimula ng Simbang Gabi.
Batay sa imbestigasyon, bumuo ang mga kabataan ng group chat noong Nobyembre kung saan pinag-usapan ang pag-atake sa mahigit limang estudyante mula sa paaralang kanilang pinapasukan.
Ayon kay Matibag, isa sa mga menor-de-edad ang nagreklamong matagal na siyang binu-bully ng ilang kapwa estudyante simula Grade 7.
Naimpluwensiyahan umano ang isa sa mga kabataan matapos manood ng video tungkol sa Columbine High School massacre noong 1999 sa Colorado, United States.
Ikinabahala rin ng NBI ang usapan sa group chat tungkol sa posibilidad na magpakamatay ang mga sangkot matapos ang pamamaril.
Narekober ng NBI ang isang baril na umano’y kinuha ng isa sa mga menor-de-edad mula sa kaniyang mga magulang.
Ayon kay Matibag, sinabi umano ng mga kabataan sa kanilang mga magulang na kailangan nila ang baril bilang props sa gagawin nilang pelikula.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI ang tatlong menor-de-edad habang nagsasagawa ng imbestigasyon. Nagbibigay naman ng kaukulang interbensiyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kabataan.
- Latest






















