Ang honest mistake kuno ni Sara
May bago na namang entry sa diksyunaryo ng mga palusot si Vice President Sara Duterte: “honest mistake.” Ayon sa kanyang kampo, nagkamali lamang daw ang Bise Presidente nang isama ang GenCorp sa kanyang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).
Huwat? Honest mistake? Ilang beses na ngang isinama sa magkakasunod na SALN, honest mistake pa rin? Eh, ’di wow!
Ano ito, baryang naiwan sa bulsa ng pantalon na nadala sa laundry shop? Hindi ito maling sukli sa tindahan.
Ano ang gustong palabasin ng defense team ni Sara? Tanga lang ang kanilang kliyente?
Paulit-ulit na isinama ni Sara ang GenCorp, kasama ang iba pang korporasyon, sa kanyang mga SALN bilang business interest. Once can be considered a mistake. Pero kapag paulit-ulit, hindi na ito simpleng pagkakamali. Pattern na iyan.
Huwag nating kalimutan na ang GenCorp ay isa sa mga kumpanyang diumano’y pinagmulan ng mahigit P200 milyon na iniuugnay kay Sara, bahagi ng mahigit P800 milyon na sinasabing undeclared wealth.
Ang SALN ay isang sinumpaang deklarasyon at mahalagang instrumento ng transparency at accountability. Maaaring magkamali minsan sa paglalagay ng impormasyon. Pero kapag paulit-ulit ang pagkakamali, hindi na sapat ang basta pagtawag dito na honest mistake. Isa na itong kahina-hinalang pattern na nangangailangan ng malinaw at kapani-paniwalang paliwanag.
Kung isang ordinaryong empleyado ang paulit-ulit na nagkamali sa kanyang financial disclosures, tatanggapin ba ng employer ang palusot na honest mistake?
Hindi dapat mag-iba ang pamantayan dahil Bise Presidente ang sangkot.
Lahat tayo ay nagkakamali. Pero kung paulit-ulit na lumilitaw ang parehong sinasabing pagkakamali sa magkakasunod na SALN, hindi na ito usapin ng maling sulat-kamay o simpleng pagkakamali sa paglalagay ng impormasyon. Usapin na ito ng kredibilidad, transparency, at higit sa lahat, pananagutan.
At kung hindi tatapusin ng Senado ang impeachment trial at iko-convict si Sara sa harap ng nag-uumapaw na ebidensiya, iyan ang tunay at pinakamalaking mistake.
- Latest
















