ASEAN, tinutugunan na haze pollution
MANILA, Philippines — Pinag-iigting na ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang mga hakbang upang matugunan ang transboundary haze pollution na nakaaapekto sa ilang bansa sa rehiyon.
Matatandaang lumala ang haze sa Southeast Asia mula Agosto hanggang Oktubre dulot ng malawakang forest at land fires sa Sumatra at Kalimantan sa Indonesia. Naranasan din ang epekto nito sa ilang bahagi ng Pilipinas at iba pang karatig-bansa.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro, kasalukuyang pinag-uusapan ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang kani-kanilang mga hakbang at mga programang pangrehiyon upang maiwasan at mabawasan ang mga sunog sa kagubatan at lupain na pangunahing sanhi ng haze pollution.
Sinabi ni Lazaro na sa mga naging talakayan ng mga miyembrong bansa, ipinabatid ng Indonesia na patuloy itong nagpapatupad ng mga hakbang upang makontrol at mapigilan ang paglala ng mga sunog sa mga apektadong lugar.
Aniya, naging maayos at magalang din ang pagtugon ng iba pang bansang naapektuhan tulad ng Singapore at Malaysia sa isyu ng haze.
Binigyang-diin ng kalihim na mayroon nang umiiral na mekanismo ang ASEAN laban sa haze pollution at mahalaga ang patuloy na kooperasyon upang mabawasan ang epekto nito sa kalusugan, kapaligiran at ekonomiya ng rehiyon.
- Latest


















