Good Conduct Time Allowance, isusulong sa Senado
MANILA, Philippines — Upang pabilisin ang proseso at pag-apruba ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ay naghain si Senator Loren Legarda ng Senate Bill No. 2584.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2584 ay gagawing mas mabilis ang pagproseso ng GCTA nang hindi binabago ang mga umiiral na kondisyon at pamantayan ng batas.
Sa panukalang batas, bibigyan ng kapangyarihan ang mga Superintendent ng BuCor, kabilang ang mga opisyal na itinalagang Acting Superintendent, na mag-apruba ng GCTA batay sa beripikadong mga rekord at nakasulat na rekomendasyon ng Management, Screening and Evaluation Committee ng kanilang pasilidad.
Sa ganitong paraan, hindi na kailangang idulog sa Director General ang bawat aplikasyon para sa GCTA na inaasahang mapapabilis nito ang pagproseso habang nananatili ang pangangasiwa ng BuCor Central Office.
Upang maiwasan ang mga iregularidad, itinatakda rin ng panukala na dapat mapagpasiyahan ang mga kumpletong rekomendasyon sa loob ng 15 araw.
Kailangan ding tiyakin ang tamang pagkalkula ng sentensiya, regular na pagsusumite ng mga ulat, at pana-panahong pagsusuri ng mga naaprubahang GCTA.
May nakasaad ding mga parusa laban sa sinadyang paglabag sa batas, kabilang ang pamemeke ng mga rekord, katiwalian, at ilegal na pagbibigay ng mga bawas sa sentensiya.
- Latest




















