Cashier, 3 kasabwat timbog sa P134-K paninda

Gumamit ng pekeng resibo
MANILA, Philippines — Apat na katao, kabilang ang 37-anyos na babaeng cashier ng isang convenience store, ang arestado matapos umanong nakawin ang P134,744 halaga ng alak at sigarilyo gamit ang pekeng resibo sa Barangay Putatan, Muntinlupa City, noong Martes, Oktubre 27.
Kasama sa mga suspek ang dalawang tricycle driver na edad 24, 32, at isang 24-anyos na umano’y tumanggap ng mga nakaw na paninda. Nahaharap sa reklamong qualified theft ang cashier.
Ayon sa Muntinlupa City Police, nagsimula ang imbestigasyon matapos mapansin ng may-ari ng tindahan ang iregularidad sa mga transaksiyon at pekeng resibong umano’y inilabas ng cashier. Naaresto ang mga suspek habang isinasakay sa tricycle ang mga paninda, habang nadakip naman ang ikaapat na suspek sa follow-up operation matapos umanong aminin ng mga driver na may naihatid na silang produkto sa Alabang.
Narekober ng mga pulis ang 15 kahon ng alak at iba’t ibang tatak ng sigarilyo, habang kinumpiska rin ang mga sasakyang ginamit sa insidente. Ayon kay NCRPO PBGen. Christopher Abrahano, pananagutin nila ang mga sangkot sa pagnanakaw, kabilang ang mga empleyadong umaabuso sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila.
- Latest

















