Ama, 11-buwang sanggol pisak sa truck

MANILA, Philippines — Patay ang isang 42-anyos na motorcycle rider at ang kanyang 11-buwang gulang na sanggol, habang sugatan naman ang kanyang kinakasama matapos madaganan ng tumagilid na dump truck ang kanilang motorsiklo kahapon ng madaling araw sa Congressional Ave., Brgy. Culiat, Quezon City.
Sa initial investigation ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang aksidente bandang alas-12:30 ng madaling-araw habang binabagtas ng motorsiklo at isang Isuzu dump truck na may kargang buhangin ang Congressional Ave. patungong Luzon Ave.
Nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng dump truck na si alyas “Randel,” 29, dahilan upang tumagilid ito at madaganan ang mga biktima.
Agad na isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang mga biktima subalit idineklarang dead-on-arrival ang mag ama habang ginagamot naman ang babae dahil sa tinamong mga pinsala.
Nagdulot din ng matinding pagsisikip ng trapiko sa lugar ang insidente matapos kumalat sa kalsada ang buhangin mula sa dump truck at tumagas ang langis nito.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng dump truck habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan sa aksidente.
Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injuries and Damage to Property ang driver ng truck.
- Latest

















