P62.8 milyong ilegal na droga, nasabat sa 3 PNP operations

MANILA, Philippines — Nasabat ng Philippine National Police (PNP) at mga katuwang na ahensiya ang tinatayang P62.8 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa tatlong magkakahiwalay na operasyon sa Lanao del Sur, Pasay City, at Pampanga noong Oktubre 26. Limang indibidwal ang naaresto sa mga operasyon.
Sa Clark Freeport Zone, Pampanga, nasabat ang 10,089 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng P50.445 milyon habang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City, nakumpiska ang 7,335 gramo ng hinihinalang high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P11.0025 milyon. Dalawang indibidwal ang naaresto.
Tatlong indibidwal naman sa Brgy. Matling, Malabang, Lanao del Sur, ang naaresto matapos masamsam ang 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.36 milyon.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga ang mabilis na palitan ng impormasyon at koordinasyon ng mga awtoridad upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad.
Bahagi ang mga operasyon ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga, katuwang ang PDEA, NBI, at iba pang ahensiya.
- Latest
















