Bato mas ligtas sa Pinas kaysa sa ibang bansa - Lacson
MANILA, Philippines — Mas ligtas umano si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na manatili sa Pilipinas kaysa magtungo sa ibang bansa dahil sa internasyonal na saklaw ng arrest warrant laban sa kanya, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Lacson na mas malaki ang posibilidad na maaresto si Dela Rosa kapag lumabas ito ng bansa dahil maaaring ipatupad doon ang warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
“Ang sitwasyon ni Sen. Bato, mahirap kasi international ang warrant niya. Saan siya pupunta? Kapag pumunta siya sa ibang bansa, mas exposed siya at mas madali siyang mahuhuli doon,” ani Lacson.
Ayon pa sa senador, kung lokal na korte lamang ang naglabas ng warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon, maaari pa sana itong humanap ng bansang walang extradition treaty sa Pilipinas.
“Pero kung ang warrant mo ay mula sa ICC, wala kang matatakbuhan. Mas safe ka pa sa Pilipinas,” dagdag niya.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat ipagkait kay Dela Rosa ang due process kahit may mga nagsasabing hindi rin ito naibigay sa mga naging biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJKs) noong administrasyong Duterte.
- Latest























