COA nasilip P168 milyong relief ops ng OVP
MANILA, Philippines — Isa-isang tinukoy ng Commission on Audit (COA) ang mga umano’y kakulangan at hindi pagkakatugma sa P168 milyong relief operations ng Office of the Vice President (OVP).
Sa 273-pahinang audit report kaugnay ng paggamit ng pondo para sa disaster response, binigyang-diin ng COA ang magkakaibang datos sa situational reports, mga binagong mission order na walang sapat na dokumentasyon, paggamit ng open-ended mission orders, at hindi tugmang mga rekord ng benepisyaryo at distribusyon ng ayuda. Tinukoy rin ng state auditors ang kakulangan o kawalan ng mga dokumentong sumusuporta sa ilang relief operations.
Sa audit, napag-alaman na may mga hindi pagkakatugma sa pagitan ng situational reports ng mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan at ng mga ulat na inihanda ng OVP. Kabilang dito ang relief operations para sa welfare goods na P19.67 milyon, kung saan may pagkakaiba sa bilang ng mga pamilyang naapektuhan.
Natukoy rin ng COA ang 24 relief operations na P39.01 milyon na hindi umayon sa nakasaad sa mga mission order at walang dokumentadong pahintulot para sa mga pagbabago. Kabilang sa mga binago ang iskedyul, lugar ng pamamahagi, dami ng relief goods, at dami ng bigas na ipinamahagi.
Walong mission order din para sa relief distribution na P84.12 milyon ang hindi malinaw na tumukoy sa target na mga benepisyaryo. Sa halip, nakasaad lamang na ang ayuda ay para sa mga pamilyang naapektuhan o lumikas dahil sa kalamidad.
Ayon sa COA, ang kawalan ng tiyak na target beneficiaries ay nagpahina sa batayan sa pagtukoy ng dami ng relief goods na kailangang hilingin at ipamahagi.
Natukoy din ng audit team ang mga master list na walang sertipikasyon, hindi pagtutugma ng Relief Distribution Sheets at master list, kulang na impormasyon ng mga benepisyaryo, dobleng entries, at mga distribution sheet na walang lagda.
Natuklasan ng COA na ang relief operations para sa 33,980 benepisyaryo na may halaga ng welfare goods na P25.27 milyon ay isinagawa ng kulang ang mga kinakailangang dokumento bago ang operasyon, kabilang ang situational reports, mission orders, at beripikadong master list ng mga benepisyaryo.
- Latest






















