18-anyos kasambahay huli sa CCTV, amo ninakawan

CAVITE, Philippines — Kalaboso ang isang 18-anyos na babaeng kasambahay matapos na ireklamo ng kanyang amo sa pagnanakaw ng pera, alahas, at iba pang mahahalagang kagamitan na tinatayang naglalahalaga ng P.5-milyon, kasama ang isang kasabwat, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Banaba Cerca, bayan ng Indang, dito.
Base sa imbestigasyon ng Indang Police, itinurn-over ng barangay sa pulisya matapos nilang dakpin ang kasambahay na si alyas “Leah,” kasambahay, dahil sa ginawa umanong pagnanakaw sa kaniyang amo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, mula sa kuha ng CCTV, nakitang pumasok ang kasambahay sa kuwarto ng kaniyang amo at kinuha ang mga pera, alahas, at iba pang gamit na nakalagay sa drawer ng cabinet ng biktima.
Bago ang insidente, nakita rin sa CCTV na may kausap si Leah sa kaniyang cellphone bago isagawa ang pagnanakaw.
Lumalabas na inilagay ng suspek sa isang paper bag ang mga ninakaw nito at minuto lamang ay may dumating na isang lalaking naka-motorsiklo at dito niya iniabot ang paperbag na naglalaman ng mga nakumlimbat nito.
Nadiskubre rin ang isa pang paper bag na nasa gilid na ng bahay na naglalaman din ng pera, alahas, at iba pang gamit sa bahay na posibleng kasama sa mga ninakaw ng suspek.
Agad nag-report sa barangay ang amo, dahilan upang arestuhin ang nasabing kasambahay at dinala sa himpilan ng pulisya.
- Latest



















