6 lalaki ‘di nagbayad sa hotel, inaresto
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Anim na lalaki ang inaresto ng mga awtoridad matapos gumamit ng pekeng resibo bilang patunay ng bayad sa isang hotel at resort sa Barangay Guis-Guis Talon, Sariaya, Quezon, kamakalawa.
Ang mga naaresto ay isang 28-anyos, residente ng Manggahan, Pasig City; isang 29-anyos na taga Brgy. Halang, Naic, Cavite; dalawang taga Santo Cristo, Baliuag, Bulacan; isang 30-anyos mula sa Las Piñas City at isang 25-anyos, ng Dasmariñas City, Cavite.
Ayon sa ulat ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, dumating ang pangunahing suspek na si JR sa resort noong madaling araw ng Miyerkules, September 16, upang magtanong tungkol sa kuwarto at bumalik dakong alas-4 ng hapon para mag-check in.
Ipinakita umano nito sa cashier ng resort ang transaction receipt sa kanyang cellphone na nagsasabing nakapagbayad na siya para sa dalawang araw na accommodation.
Maya-maya ay dumating at nag-check in ang kanyang limang kasama at nang beripikahin kinabukasan ng management ang kanilang bank o e-wallet account, napag-alamang walang pumasok na kaukulang bayad sa bill ng grupo na umabot sa P68,196.00.
Tumalilis umano ang grupo sakay ng isang itim na Maxus G50 MPV, kaya nakipag-ugnayan ang Sariaya Police sa Provincial Highway Patrol Team-Quezon para sa beripikasyon at pagtugis sa naturang sasakyan.
Naabutan ang anim na suspek na dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong estafa.
- Latest



















