Pagdami ng Chinese survey ships, ikinaalarma

MANILA, Philippines — Binalaan ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng isang makabayang grupo, na hindi dapat balewalain ng Pilipinas ang presensya ng dalawang Chinese military hydrographic survey vessels sa maritime domain ng bansa noong Setyembre 11.
Namataan ang Hai Yang 23 Hao/Qian Xuesen 873 sa layong 1.15 nautical miles sa timog ng Galoc Island, Palawan, habang ang Hai Yang 24 Hao/Deng Jiaxian 874 ay nasa 64.28 nautical miles west-northwest ng Panatag Shoal, malapit sa submarine cable infrastructure.
Ayon kay Goitia, ang mga barkong ito na Type 636A survey ships ng People’s Liberation Army Navy ay hindi ordinaryong research vessels. Bukod sa seabed data gaya ng lalim, anyo, at kondisyon ng dagat, maaari rin itong magamit sa naval navigation at submarine operations, lalo na kung malapit sa kritikal na imprastraktura gaya ng undersea cables.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12065 o Philippine Archipelagic Sea Lanes Act of 2024, kailangan ng pahintulot ng Pilipinas para sa hydrographic o oceanographic surveys ng mga dayuhang barko. Kinikilala rin ng UNCLOS ang hurisdiksyon ng Pilipinas sa marine scientific research sa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
“Hindi ito mga ordinaryong research vessel. Mga military survey ship ang mga ito na may kakayahang mangalap ng detalyadong impormasyon tungkol sa ating maritime environment. Kapag nasa sensitibong lugar sila, may karapatan ang Pilipinas na itanong kung ano ang kanilang mina-mapa at bakit,” ani Goitia.
Batay sa ulat, may 48 Chinese Coast Guard at PLA Navy vessels na namataan sa apat na pangunahing lugar sa West Philippine Sea mula Setyembre 8 hanggang 14.
Giit ni Goitia, ang seabed at undersea infrastructure ng bansa ay bahagi ng national security at dapat bigyang-pansin ng pamahalaan.
- Latest




















