^

Bansa

Renewable energy galing sa basura, isinusulong

Philstar.com

MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng pagpapalawak ng produksiyon ng renewable energy sa bansa, nakatakdang ilunsad ng Department of Energy (DOE) ang isang special auction round sa Oktubre 13 sa ilalim ng Green Energy Auction Program (GEAP).

Noong 2021, itinatag ng kagawaran ang GEAP bilang isang bidding system na layong palakasin ang clean energy projects sa bansa at magkaroon ng mas mababang presyo ng renewable energy.

Sa programang ito, nagsasagawa ng bidding ang mga energy company na nais mag-supply ng clean power sa pamahalaan at bibilhin ito ng mga local distribution utility mula sa mananalong bidder.

Labing-isang kumpanya ang kuwalipikadong lumahok sa darating na auction.

Kabilang dito ang MetPower Venture Partners Holdings Inc., na pagmamay-ari ng business tycoon na si Manuel Pangilinan, Prime Integrated Waste Solutions Inc., na nasa ilalim ng pamamahala ni Enrique Razon Jr. at ang Pan Pacific Renewable Power Phils. Corp na konektado sa San Miguel Global Power ni Ramon Ang.

Layunin ng pamahalaan na makapag-generate ng hindi bababa sa 25 gigawatt na energy capacity mula 2027 hanggang 2035 upang mapalakas ang supply ng kuryente sa bansa.

Bahagi ng inisyatibang ito ang pagpapalakas sa waste-to-energy production o ang proseso ng paggawa ng enerhiya gamit ang mga waste materials sa pangunguna ng Department of Science and Technology (DOST).

Noong Agosto, namataan ang "sea of trash" sa Redemptorist Water Channel sa Parañaque alinsunod sa sunod-sunod na pag-ulan dulot ng monsoon rains o habagat.

Halos 750 metric tons o katumbas ng 203 na load ng truck ang hinakot ng Metro Manila Development Authority mula sa baradong waterway.

Binigyang-diin ni Patrick Montero, supervising science research specialist ng DOST Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development, na kinakailangan ang pagsunod sa itinakdang limitasyon ng chemical emission para maprotektahan ang kalusugan ng publiko.

"Sa bawat proyekto ng waste-to-energy sa pagdating po sa emissions at environmental compliance, sinusunod po natin ang Philippine Clean Air Act, kung saan 'yong emissions dapat magkaroon naman siya ng certain na limit," ani Montero sa isang panayam kasama ang PTV Digital noong Setyembre 2.

Nakasaad sa batas na ito na dapat regular na suriin at, kung kinakailangan, baguhin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga pamantayan sa emisyon.

Nilinaw ni Montero na umbrella term ang waste-to-energy dahil kabilang dito ang iba't ibang teknolohiya tulad ng anaerobic digestion, gasification, pyrolysis, controlled direct combustion at incineration.

Sa inilabas na press release ng non-governmental organization na "BAN Toxics" noong Enero 29, kinondena ng grupo ang desisyon ng gobyerno sa paggamit ng waste-to-energy technology.

"We should first conduct a comprehensive assessment of RA 9003, and invest our efforts and resources in improving its implementation before considering waste-to-energy or other burn technologies," pahayag ni Jam Lorenzo, deputy executive director ng BAN Toxics.

Dagdag pa niya, dalawang uri ng toxic chemicals na tinatawag na dioxins at furans ang nailalabas ng prosesong ito.

Iginiit ng BAN Toxics na sa halip na solusyon sa lumalalang problema sa basura ang advanced na waste-to-energy technology, may kakayahan pa rin itong maghatid ng pinsala sa kalikasan at kalusugan.

Sa batas na  Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na nilagdaan ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nakasaad na ipinagbabawal ang pagsusunog ng basura.

"Mayroon din tayong ibang klase ng waste-to-energy, 'yong non-burn using plasma and microwave para doon sa convert ng basura into energy. Wala pa rin tayong gano'n, may mga lumalapit lang sa atin, nagbibigay ng presentation para sa technology," ayon kay Norlito Eneran, assistant secretary for Legal Affairs, Enforcement, Human Resources and Field Operations-Luzon ng DENR. — Philstar intern / Frenchshield Shayne Delovieres

DOE

DOST

RENEWABLE ENERGY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with