DILG sa LGUs: Ipatupad ang no-build zones
MANILA, Philippines — Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang mga no-build zone sa mga lugar na mataas ang panganib sa baha at iba pang kalamidad, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan ng publiko.
Kabilang sa mahalagang legal na batayan ang Presidential Decree No. 1067 o Water Code of the Philippines, na nagtatakda ng easement sa mga pampang ng ilog at sapa at baybayin ng dagat at lawa. Itinakda rito ang 3 metro sa urban areas, 20 metro sa agricultural areas at 40 metro sa forest areas na dapat panatilihing malaya sa mga istrakturang maaaring makahadlang sa daloy ng tubig at paggamit sa mga lugar na ito.
Saklaw din ng Presidential Decree No. 1096 o National Building Code ang mga panuntunan sa ligtas na pagtatayo ng mga gusali, habang ang Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 ay nag-aatas ng mga hakbang para mabawasan ang panganib ng kalamidad, kabilang ang pag-iwas sa paninirahan sa mga lugar na mataas ang panganib.
Binigyang-diin ng DILG na nasa frontline ang mga LGU sa pagpapatupad ng land-use, zoning, building at disaster-risk reduction policies. Dapat umanong tiyakin ng mga lokal na pamahalaan na hindi pinapayagan ang pagtatayo sa mga lugar na idineklarang mapanganib batay sa umiiral na batas, zoning regulations at hazard maps.
- Latest

















