Mga Pinoy ‘di dapat gamiting panangga ng China
MANILA, Philippines — “Hindi dapat gawing panangga ng Tsina ang mga Pilipino upang gipitin ang pamahalaan ng Pilipinas sa simpleng usapin ng immigration”.
Ito ang inihayag ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia dahil may mas seryosong usapin sa likod ng pagkumpirma ng Chinese Foreign Ministry na kumilos ang kanilang mga otoridad laban sa mahigit 100 Pilipino na iligal na pagtatrabaho at pananatili sa Tsina.
Magugunita na sinabi ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. noong Agosto 13, isang “plain and simple extortion and blackmail,” at sinabing maaaring pagganti ito sa mga operasyon ng Pilipinas laban sa mga Chinese national na may mga paglabag sa immigration laws.
Mas nagiging seryoso ang usapin dahil sa mga ulat na nagbanta umano ang Tsina ng karagdagang aksyon laban sa mga Pilipinong manggagawa kaugnay ng pag-aresto ng Pilipinas sa mga Chinese national.
“Hindi maaaring gamitin ang mga Pilipinong manggagawa para gipitin ang pamahalaan ng Pilipinas.Iyan ay pamimilit, hindi diplomasya,”ani Goitia.
Iginiit ni Goitia na may karapatan ang Pilipinas na ipatupad ang sariling batas sa loob ng teritoryo nito, anuman ang nasyonalidad ng iniimbestigahan.
“Isa tayong malayang bayan. Walang dayuhang kapangyarihan ang may karapatang magtakda ng ating halaga,” giit pa ni Goitia.
- Latest




















