Word war ni Padilla vs Tarriela, lalong umiinit

MANILA, Philippines — Uminit ang sagutan sa pagitan ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman for West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Jay Tarriela at Senador Robin Padilla kaugnay ng isyu sa umano’y pang-aalipusta ng China na tinawag na “unggoy” ang mga Pilipino.
Sa panibagong pahayag, binanatan ni Tarriela si Padilla matapos nitong sabihing siya ang dahilan ng paglala ng tensiyon sa China at kaya naglabas ng AI video ang Chinese state media na ikinumpara ang mga Pinoy sa unggoy.
“Senator Robin Padilla, mukhang kahit tinagalog ko na po ay hindi pa rin ninyo naintindihan. Hindi po tayo unggoy at hindi po ako ang kalaban dito dahil pareho po tayong Pilipino. Salamat po, sana blockbuster pa rin ang susunod na pelikula ninyo,” ani Tarriela.
Giit pa ng opisyal, mali ang argumento ni Padilla na ang ginamit niyang caricature sa isang lecture ang ugat ng racist na video. “Para sa inyo, ang caricature na ginamit ko sa classroom setting ang siyang pinakadahilan kung bakit nagkaroon ng racist na video. Mawalang galang na po, pero mali po ang argumento ninyo,” dagdag ni Tarriela.
Paliwanag niya, satire lamang ang naturang caricature na ginamit sa loob ng unibersidad at matagal nang nalampasan ang isyu noong Enero. Aniya, ginagamit lamang ito ni Padilla bilang “convenient excuse” para sa China.
“Panghuli, hindi ko po kayo binabanatan — huwag po kayong malito. Kayo ang nagpangalan sa akin, at kayo rin po ang nagsabing mga unggoy tayong lahat. Remember your own line, Mr. Senator: ‘Aren’t we all monkeys of different colors?” giit ni Tarriela.
Samantala, iginiit ni Padilla na lahat ng Asyano ay tinatawag na unggoy ng mga taga-Kanluran. Ngunit muling binigyang-diin ni Tarriela na ang dapat kondenahin ay ang China, dahil ito ang gumawa at nagpakalat ng naturang racist na video.
- Latest























