Palasyo: Zaldy Co nasa France

MANILA, Philippines — Nasa France na si dating Congressman Zaldy Co at doon humihingi ng political asylum.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na kumpirmado nang wala sa kustodiya ng Czech Republic si Co kundi nasa France.
Ito ay matapos na matanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kumpletong ulat mula kina Justice Secretary Fredderick Vida at Foreign Affairs Secretary Thess Lazaro.
Ayon pa kay Castro, nakatanggap din ng highly reliable information ang DFA na si Co ay mayroong nakabinbing petition para sa political asylum sa France.
Hiniling din aniya ni Co na ilipat siya at ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad sa France.
Nilinaw naman ni Castro na hindi nakakulong si Co sa France kundi pinalaya siya doon dahil may nakabinbing petition for political asylum.
Bukod dito wala na rin aniyang ibang detalye pa kung kailan nag-apply ng asylum sa naturang bansa si Co.
Ginagawa naman aniya ng pamahalaan ang lahat ng diplomatikong paraan, proseso at channels para maiuwi sa Pilipinas si Co at harapin ang kaso niya rito sa bansa.
Ngayong araw ay ipinatawag ni Pangulong Marcos ang ambassador ng France at chargè d’affaires ng Czech Republic para pag-usapan ang lahat ng paraan at prosesong gagawin para maibalik dito sa bansa si Co.
- Latest


















