Palasyo sa publiko: Kalma lang!

MANILA, Philippines — Hiniling ng Malacañang sa publiko na manatiling kalmado dahil hindi puwedeng daanin sa mabilisan ang pagsasampa ng isang matibay na kaso.
“Kalma lang muli. Hindi po kasi ito nadadaan sa agad-agaran,” sabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro.
Base sa isang survey kamakailan ng OCTA Research, karamihan ng mga Pilipino ay galit sa eskandalo sa korapsyon sa flood control projects, kung saan marami ang nagnanais na may makulong.
Ipinaliwanag ni Castro na mahalaga ang matibay na kaso dahil madi-dismiss lamang ito kung kulang sa ebidensiya.
“Ang commitment po ng Pangulo ay panagutin ang dapat na managot. Ito na po siguro ang pinakamabilis na pagsisiwalat ng mga diumanong anomalya sa flood control projects. So, hayaan lang po natin magtuluy-tuloy ang proseso at ang Pangulo po ay hindi po magsasawalang-bahala sa mga nadidinig niya na mga sentimyento ng ating mga kababayan,” ani Castro.
Dapat aniyang hayaan ng publiko ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magpatuloy sa imbestigasyon sa korapsyon sa flood control projects.
“Hayaan po lang natin silang makapag-ipon ng mga dokumento at ng mga ebidensiya para po mas matibay ang mga kasong isasampa,” ani Castro.
Umaasa ang ICI na magsampa ng mga kaso sa Ombudsman sa loob ng apat na linggo.
Kasalukuyan nitong bina-validate ang mahigit 400 hinihinalang ghost flood control projects na binandera ng Department of Public Works and Highways at iba pang ahensiya ng gobyerno. Mula sa mga kasong ito, ang ICI ay takdang magsampa ng 15-20 kaso.
- Latest




















