Pinoys sa Israel pinag-iingat
MANILA, Philippines — Pinayuhan ng embahada ng PIlipinas sa Israel ang mga Pinoy doon na umiwas muna sa West Bank at iba pang lugar doon para sa kanilang kaligtasan.
Sa panawagan ng Philippine Embassy sa Israel, hanggang Setyembre 27 hanggang maaari ay huwag munang magtungo sa West Bank (Bethlehem, Jericho, Hebron at iba pa).
Gayundin sa Jerusalem (Temple Mount; Damascus Gate; Herod’s Gate;Al Wad Road;Musrara Road; at mga lugar sa paligid ng East Jerusalem); Golan Heights at mga lugar na malapit sa hangganan ng Lebanon at Gaza.
Nagbabala rin ang embahada sa mga Pilipino na huwag kumuha ng litrato o video o lumapit sa isang patuloy na sagupaan o mayroong mga karahasan at sa halip ay kaagad na magtago o umalis sa lugar kung saan mayroong kaguluhan.
Pinayuhan din ng embahada ang mga Pinoy na umiwas sa matataong lugar, mag-ingat sa pagsakay sa pampublikong sasakyan, at huwag lumapit sa mga pwersang panseguridad ng Israel na naka-deploy sa mga sensitibong lugar at sumunod sa mga direktiba ng Israeli security forces at ng Home Front Command.
Matatandaan na muling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng mga Israelis at Palestinian noong nakaraang linggo.
- Latest