Political killings sa Batuan, Masbate hinging siyasatin
MANILA, Philippines — Nanawagan ang Pinoy Aksiyon for Governance and the Environment (Pinoy Aksyon) sa Senado na imbestigahan ang diumano’y “political killings’ sa bayan ng Batuan, Masbate kasunod ng pagpatay kay dating Vice Mayor Charlie Yuson III sa Sampaloc, Maynila noong Oktubre 2019.
Kahapon, nagtungo ang grupo sa Senado para hilingin kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate committee on Public Order and Dangerous Drugs, na siyasatin ‘in aid of legislation’ sa pagpatay kay Yuson at limang iba pa.
“Humihingi kami ng hustisya sa pagpatay kay Vice Mayor Yuson dahil, hanggang ngayon, hindi pa namin nakakamit ang hustisya at maibalik ang katahimikan sa aming bayan,” ayon kay Batuan Kagawad Charliemagne Yuson.
“Para kasing wala ng batas sa Masbate. Humingi kami ng tulong kay Presidente Duterte para maibalik ang rule of law, wala nang katahimikan sa aming bayan,” ani Yuson.
Batay sa resolusyon ng Batuan Association of Barangay Captains (ABC), limang political killing ang nangyari sa nakaraang 2019 midterm election sa kanilang bayan. Karamihan sa mga biktima ay pawang mga supporter ni Yuson.
- Latest