Solon makakasuhan
Iimbestigahan ng DOTr at kongreso sa hambog na asal sa NAIA
MANILA, Philippines — Dahil umano sa pagiging ‘hambog’ na iniasal kaya iniimbestigahan na ng Department of Transportation at ng kongreso at malamang kasuhan ang sinasabing paglabag sa security protocol ni ACTS OFW Rep. Aniceto Bertiz sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Sabado.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, masusi na nilang kinakalap ang lahat ng mga report, reklamo at mga aktuwal na video footages sa pangyayari upang alamin kung may naganap nga bang paglabag sa mga batas at protocol ng paliparan sa naturang insidente.
Sa panig naman ni Transportation Undersecretary Arturo Evangelista na siya ring administrador ng Office for Transportation Security (OTS), sinabi nito na kung ang pagbabasehan lamang ay ang nag-viral na video footage ng pangyayari ay malinaw aniya na nagkaroon ng paglabag sa mga patakaran nang hablutin ni Bertiz ang ID ng isang Screening Security Officer (SSO) ng NAIA Terminal 2 na sumita sa kanya sa paliparan matapos na hindi maghubad ng sapatos.
Sinabi ni Evangelista na hinihintay pa niya ang gabay mula sa DOTr at kay Pangulong Rodrigo Duterte bago desisyunan ang insidente.
Gayunman, sinabi naman ni Evangelista na ni-review na rin naman niya ang video at wala siyang nakitang mga Chinese na dumaang nauuna sa mambabatas.
Aniya pa, hindi rin ito ang concern nila sa ngayon, kundi ang naging asal ng mambabatas sa checkpoint, bagama’t tiniyak na iniimbestigahan pa rin naman nila ito.
Ipinagtanggol din naman ni Evangelista ang kanilang security personnel at sinabing ang mga tao nila sa ground ay nagtatrabaho lamang.
Sakaling mapatunayang may nilabag sa airport protocol ng NAIA, posibleng maharap si Bertiz sa kasong paglabag sa kasong Article 151 ng Revised Penal Code o Crime of Resistance and Disobedience to a Person in Authority.
Sa House of Representatives, sinabi ni Minority leader Danilo Suarez na iimbestigahan din nila ang inasal ni Bertiz sa NAIA.
- Latest