Jurisdictional challenge ni Binay reresolbahin ngayon ng sub-com
MANILA, Philippines – Ipinaubaya na kahapon ni Senator Teofisto Guingona III sa Blue Ribbon subcommittee ang pagresolba sa isyu ng jurisdictional challenge na isinampa ng kampo ni Makati Mayor Junjun Binay na naglalayong ipatigil ang imbestigasyon tungkol sa sinasabing korupsiyon sa Makati.
Pinadalhan kahapon ni Guingona ng isang sulat si Sen. Koko Pimentel, sub-committee chairman, upang igiit na ito ang magdesisyon tungkol sa petisyon ni Binay.
Iginiit rin ni Guingona na dapat unahin muna ng sub-committee ang pagresolba sa isyu bago ipagpatuloy ang hearing na inaasahang itutuloy ngayong umaga.
“The basis for the Blue Ribbon Committee Chair’s position that the Subcommittee must rule on the Jurisdictional Challenge is Section 20 of the Senate Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation,” ani Guingona.
Tiniyak naman ni Pimentel na aalamin muna nila kung may basehan talaga ang alegasyong overpriced ang parking building bago ituloy ang imbestigasyon.
Nauna rito naglabas ng show cause order ang sub-committee laban kina Binay at iba pang sinubpoena na magpaliwanag kung bakit hindi sila nakadalo sa nakaraang pagdinig tungkol sa sinasabing overpriced na Makati City Hall Building II.
Wala namang nakikitang masama si Pimentel kung magpasaklolo sa korte ang kampo ni Binay dahil may kalayaan naman umano silang gawin ito.
Dagdag ni Pimentel na posibleng tapusin na rin nila ang imbestigasyon tungkol sa overpriced na building bago pagtuunan ang iba pang isyu na naungkat rin sa pagdinig.
- Latest


















