P2.2T national budget pirmado na ni PNoy
MANILA, Philippines - Pormal nang nilagdaan kahapon ni Pangulong Aquino ang 2014 national budget na nagkakahalaga ng P2.264 trilyon sa isang simpleng seremonya sa Malacañang.
Ipinagmalaki ni Pangulong Aquino na ang 2014 General Appropriations Act ay PDAF-less at nagpapasalamat siya sa liderato ng Kongreso dahil sa mabilis na pagpasa ng pambansang budget.
Kabilang sa dumalo sa paglagda ng national budget sina House Speaker Feliciano Belmonte Jr., Senate President Franklin Drilon, Sen. Chiz Escudero, Sen. Sonny Angara, Sen. Cynthia Villar at mga kongresista na naging instrumento sa pagsusulong ng 2014 budget sa Kamara.
“Hindi po matatawaran ang sigasig at kahusayang muling ipinamalas ng ating Kongreso dahil ikaapat na sunod na taon na ito kung saan on-time na naaprubahan ang Pambansang Budget. Dahil po dito, hindi lamang natin agarang naipapatupad ang mga prayoridad na proyekto, natatapalan din natin ang maraming butas na maaaring pagmulan ng pang-aabuso sa kapangyarihan at sa kaban ng bayan. Kaya naman, lubos po tayong nagpapasalamat sa Kongreso—sa pamumuno nina Frank Drilon sa Senado at Sonny Belmonte sa Kamara sa kanilang ipinamalas na huwarang liderato, at sa pagtugon sa panawagan ng sambayanang Pilipino para sa isang tapat at may pananagutang proseso ng pagpopondo,†wika pa ni PNoy.
- Latest






















