8 Pinoy pupugutan sa Saudi
MANILA, Philippines - Walong overseas Filipino workers na nakatakda nang bitayin sa Saudi Arabia ang pinasasagip kay Pangulong Aquino.
Nanawagan kahapon ang Migrante-Middle East at mga pamilya ng mga OFWs na hindi dapat pang magpatumpik-tumpik ang pamahalaan sa mga hakbangin nito upang iligtas sa tiyak na kamatayan sina Dondon Lanuza, magkapatid na Rolando at Edison Gonzales, Eduardo Arcilla, Joselito Zapanta, Carlito Lana, Ryan Tolen at Edgar Maligaya.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME, sina Lanuza, Zapanta at Lana ay nakapatay lamang dahil sa pagtatanggol sa kanilang sarili habang si Maligaya at ang magkapatid na Gonzalez ay iginigiit na isinangkot lamang sa krimen.
Nabatid sa Migrante na si Tolen naman ay nasaksak at napatay ang kanyang kapwa manggagawa matapos ang mainitang pagtatalo.
Ang mga nabanggit na Pinoy ay nasentensyahan na ng kamatayan maliban sa kaso nina Tolen at Maligaya na nananatiling dinidinig ang kaso sa korte.
Nangangamba ang pamilya ng walo dahil anumang oras ay ipatutupad ang sentensya matapos na huling na-execute noong Mayo, 2011 ang may 15 katao sa Saudi.
Sa batas ng Saudi, ang parusang kamatayan ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo.
- Latest
- Trending