Customs personnel sabit sa P23-M smuggled luncheon meat
Iniutos ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal laban sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na naka-assign sa Sub-port ng Curimao, Ilocos Norte dahil sa diversion ng untaxed containers na naglalaman ng P23 milyong halaga ng luncheon meat mula sa Clark, Pampanga patungo sa Port Point, La Union.
Sinabi ni PASG chief Undersecretary Antonio Villar Jr., dapat imbestigahan at kasuhan si Ramon Imbisan ng BOC wharfinger at iba pang BOC personnel na nakatalaga sa Sub-port ng Currimao gayundin sina Richard Guerero ng Aurum Consolidated Inc. at Josephine Cruz, marketing manager ng Value City.
Ito’y matapos makumpiska ng PASG sa pamamagitan ng Warrant for Seizure and Detention na ipinalabas ng Customs Collector ng Port of San Fernando ang 5 container vans na naglalaman ng 12,025 kahon ng imported Hormel luncheon meat sa warehouse no. 3 ng Aurum Pacific Consolidated.
Ayon kay Usec. Villar, umabuso si Imbisan sa kanyang tungkulin matapos nitong payagan na mailabas ang cargo para sa temporary warehousing purposes.
Sa foreign transshipment declaration na ipinalabas ng SBMA ay patungong Vietnam via Curimao, Ilocos Norte ang final destination ng kargamento subalit hindi ito sinunod ng shipper dahil hindi naman ito dumaan sa Subic kundi sa Clark patungong Curimao na tinanggap naman ng BOC officials doon. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending