^

PSN Opinyon

‘KKK’ sa aksidente sa MRT’

BAHALA SI BITAG - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

HUMAN error o pagkakamali ng mga drayber at control center personnel ang itinuturong dahilan ng aksidente sa Metro Rail Transit (MRT) noong nakaraang linggo.

Ayon mismo kay Transportation and Communications Secretary Joseph Abaya, sasampahan ng ahensya ang mga empleyado ng kasong administratibo. Hindi lang ngayon nangyari ang ganitong uring aksidente sa MRT. Paulit-ulit nang naitatala ang aberya sa mga pupugak-pugak na coaches o bagon pero hindi pa rin ito nasosolusyunan.

Matagal na itong problema pero sa halip na palitan na ang luma at nabubulok nang tren, kilos-pagong kung kumilos ang DOTC. Kung mayroon mang nakikita si Juan Dela Cruz na aksyon sa kanila, ito ay ang nadiskaril na bidding na nababalot pa rin ng kontrobersiya dahil sa umano’y pangingikil ng dating general manager ng MRT na si Al Vitangcol sa dayuhang train coach builder at supplier.

 Kaya tuwing may aberya, saka lang magpapaliwanag ang DOTC. Saka lang sila magsasalita at ang sisi laging nasa drayber at sa mga naka-duty na empleyado nang maganap ang insidente.

 Nitong mga nakaraang buwan, Marso, tinalakay ko sa aking programang BITAG Live ang kaparehong isyung ito kung saan human error din ang sinasabing dahilan ni Sec. Abaya matapos tumirik ang tren. Anim na buwan palang daw kasi ang drayber sa serbisyo. Hindi dapat sisihin o papanagutin ang mga drayber sa mga nangyayaring paulit-ulit na aksidente lalo na kung ang naging dahilan at sanhi ay mismong ang pupugak-pugak nang kagamitan ng tren o kapabayaan nila sa pagtatalaga ng dryaber.

Ang punto dito, kung noong unang-una palang na nag­karoon ng aberya nabigyan na agad ito ng atensyon at solusyon, hindi na sana ito nasundan pa ng mga ak­sidente. Wala sanang mga pobreng pasaherong nakakaramdam ng takot at nag-aalala sa kanilang walang katiyakang kaligtasan habang sakay ng MRT.

 Tatlong bagay lang ang pangunahing dahilan, maliban sa “reactionary”kapalpakan, kapabayaan at kaburaraan ng mga nakaupo at namumuno. Nauna nang sinabi ni Sec. Abaya na magtitiis-tiis nalang muna dahil may mga bago nang tren sa susunod na taon, 2015.

 Magtiyaga at mag­hintay-hintay nalang dahil gumagawa na raw sila ng aksyon dito. Kung susuriin, tipikal na sagot at pagpapaasa ng mga nakaupo sa gobyerno. Ibig sabihin, sakaling magkaroon ulit ng disgrasya sa MRT, parehong sagot pa rin ang maririnig ng publiko sa mga nakaupo.

 Sa mga mauunlad na bansa, napakahalaga ng mga tren. Pinagtutuunan nila ito ng pansin, atensyon at binibigyan ng importansya ang dekalidad na serbisyo simula sa mga terminal, bawat bagon at buong operasyon. Malaki ang naitutulong nito sa paggalaw ng mga produkto sa komersiyo. Sa Pilipinas, ito rin ang nakikitang magiging sagot sa lumalalang trapiko at makakatulong sa pagpapaganda ng turismo.

 Ang problema, marami sa mga na­kaupo sa pamahalaan, iniluklok lang sa pwesto para mapangala­gaan ang “kulay” o partido. Kaya tuloy nabababoy ang serbisyo. Sa halip na serbis­yo-publiko, ang nangyayari, nagiging “bantay” at palamuti nalang sila o hindi naman kaya ginagawa nalang nilang ga­tasan ang mga proyekto ng gobyerno.

 Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

 

vuukle comment

ABAYA

AL VITANGCOL

JUAN DELA CRUZ

KAYA

METRO RAIL TRANSIT

SA PILIPINAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with