^

Metro

Pagpatay kinondena reporter itinumba ng riding in tandem

Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Isang beteranong mama­mahayag  ang  binaril  ng  riding in tandem  habang naglalakad  malapit sa kaniyang watch repair stall sa Quiapo, Maynila, kamaka­lawa ng gabi.

Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC)  si Alex Balcoba, Sr., 55,  may-asawa, reporter sa pahayagang People’s Brigada at isa sa mga opisyal ng Manila Police District Press Corps (MPDC).

Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan ng MPD-Homicide Section, dakong alas 7:10 kagabi nang maganap ang insidente sa harap mismo ng stall ni Balcoba sa  no.725 Quezon Boulevard, Quiapo, Maynila, tabi ng isang pay parking lot.

Habang may kausap umano si Balcoba ay may nakitang dalawang lalaki na  mistulang nag-aabang sa kaniya at nang naglakad na ito ay lumapit ang isa sa dalawang suspek at pinaputukan ito sa likod ng ulo.

Bumalik umano ang gunman sa naghihintay na lalaki na driver ng  motorsiklo at tumakas sa direksiyon ng Q. Blvd. Southbound. Isang empty shell ng kalibre .45 bala ang narekober sa crime scene.

Samantala, agad namang iniutos ni MPD Director , Chief Supt, Rolando Nana sa binuong Special Task Force Balcoba ang masusing imbestigasyon. Itinalaga bilang head ng nasabing task force  si  Senior Supt, Marcelino Pedrozo .

“Madami raw itong kaaway dun sa area, parang hindi naman job related ang motibo kasi huling sulat niya sa Brigada ay noon pang Pebrero 9 at hindi na ito nasundan pero titingnan pa rin namin ang lahat” ani Pedrozo.

Nang mga oras na binaril si Balcoba ay agad namang tinungo ng mga kasamahang photo journalist at ilang opisyal ng MPD Press Corps sa pangunguna ni President Francis  Naguit ang crime site hanggang sa nasabing ospital upang alamin ang pangyayari.

May ikinakasa namang  follow up operation  ang Homicide Section kabilang na ang  pagbusisi sa mga messages na nakuha sa cellphone ni Balcoba na posibleng ma­ging lead sa imbestigasyon ng krimen.

Pansamantalang hiniling sa mga MPD Press Corps ng Task Force Balcoba na huwag munang ibunyag ang mga nilalaman ng text messages at iba pang impormasyon na may kaugnayan sa isinasagawang follow-up upang hindi masunog.

Sa panayam naman kay Manila Vice Mayor Isko Moreno,  mariin nitong kinondena ang  pamamaslang at maituturing na hamon sa kapulisan ang  kaso ni   Balcoba.

Ayon kay Moreno, hindi umano dapat na maging dahilan ng  kamatayan ng mga miyembro ng media ang  kanilang  paghahayag ng mga balita.  Aniya, kailangan na  mapangalagaan ang  propesyon ng mga mamamahayag dahil ang mga ito  ang  siyang  naglalahad ng   katotohanan.

Nanawagan din  si Moreno sa pamunuan ng  MPD na tutukan ang  kaso upang agad na makamit ang hustiya ng pamilya ni Balcoba.

Bukod sa pagkondena, nagpahayag din ng pakikiramay sa pamilya ng biktima si Communications Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr.

“Kinokondena po natin ang krimeng ito at kasalukuyang sinisiyasat ito ng Philippine National Police upang alamin at tugisin kung sino man ang maaaring naging responsible,” ani Coloma.

Mahigit na 30 mamamahayag na ang napapaslang sa Pilipinas simula noong 2010.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with