Top 6 MWP ng Pasig, nalambat sa raid
MANILA, Philippines — Arestado sa mga awtoridad ang isang dispatcher na itinuturing na Top 6 Most Wanted Person (MWP) ng Pasig City Police dahil sa pagkakasangkot sa kasong bigong pagpatay matapos na silbihan ng warrant of arrest sa kanyang tahanan.
Kinilala lang ni Pasig City Police chief PCOL Celerino Sacro Jr. ang suspek sa alyas ‘Berto,’ 57, at residente ng Brgy. Maybunga, Pasig City.
Batay sa ulat, dakong alas-12:10 ng madaling araw kahapon nang magtungo ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Pasig City Police sa tahanan ng suspek upang silbihan ng warrant of arrest na inisyu ni Elisa Ramirez Sarmiento Flores, presiding judge ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 71 dahil sa kasong frustrated murder.
Hindi naman nanlaban o nagtangkang tumakas ang suspek at sa halip ay kusa nang nagpaaresto sa mga awtoridad.
Nabatid na una na ring naaresto ng mga pulis ang anak ng suspek noong Abril 19, 2024 matapos na silbihan ng arrest warrant sa kahalintulad na kaso.
Nagtakda naman ang pulisya ng P200,000 na piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek, na nakapiit na sa custodial facility ng Pasig City Police habang inaantabayanan pa ang commitment order na ilalabas ng hukuman laban sa kanya.
- Latest