Peace talks sa CPP kasado na
MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ni incoming President Rodrigo Duterte na plantsado na ang isasagawang peace talks sa pagitan ng Duterte government at Communist Party of the Philippines (CPP).
Ayon kay Duterte, tatlong oras silang nag-usap ni National Democratic Front (NDF) chairman Fidel Agcaoili kung saan tinalakay nila ang magiging framework para sa isasagawang peace talks sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.
“We agreed on the framework on how to proceed with the peace talks. And maybe in God’s good time, I told Fidel that, merong panahon dadating sa atin that we will stop talking about being left and being right,” ani Duterte.
Kinumpirma rin ni Duterte na uuwi na sa bansa si CPP founding chairman Jose Maria Sison pagkatapos niyang manumpa bilang pangulo ng bansa sa Hunyo 30. Aniya, hanga siya sa mga personalidad na inirekomenda ng CPP para sa alok niyang cabinet position pero kakausapin muna niya sila kung papayag na maging miyembro ng gabinete nito bago ianunsyo.
Magugunita na inalok ni Duterte sa CPP ang apat na posisyon sa gabinete kabilang ang pamumuno sa Department of Agrarian Reform (DAR), Social Welfare and Development, Labor and Employment at Environment and Natural Resources.
Plano ding bisitahin ni Duterte ang mga NPA strongholds kung saan ay sinasabing may mga bihag pa silang mga pulis at sundalo.
- Latest