Test votes dahilan ng discrepancy
MANILA, Philippines - Ang mga hindi naburang test votes ang dahilan ng discrepancy o pagkakaiba sa mga botong pumasok sa transparency server at sa Certificates of Canvass (COC) na binibilang ngayon ng komisyon na tumatayong mga miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC).
Ito ang paliwanag ng Comelec, kasunod nang pagpuna ng mga abogado ng senatorial candidates na sina Juan Miguel Zubiri, Ralph Recto at Francis Tolentino sa naturang discrepancy sa mga boto sa Davao del Sur.
Kaagad namang binura ang mga test votes, na aksidenteng nai-transmit sa server, sanhi upang makitaan ng pagbaba ang bilang ng mga boto na pumasok sa transparency server simula nitong Huwebes ng gabi.
Ganap na 9:45 ng gabi ng Mayo 12, si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ay mayroong 13,992,738 habang si Sen. Bongbong Marcos ay mayroong 13,775,616 boto ngunit pagsapit ng 10:45 ng gabi ng parehong petsa, si Robredo ay mayroon na lamang 13,992,642 habang si Marcos ay mayroong botong 13,775,470.
Makalipas ang isang oras o pagsapit ng 11:45 ng gabi, ay bumaba pa lalo ang kanilang boto, si Robredo ay mayroon na lang 13,992,549 habang si Marcos ay may 13,775,365 boto na lamang.
Ipinaliwanag naman ni Comelec Chairman Andres Bautista na bago ang halalan ay nagsagawa ang Comelec ng pre-logic and accuracy tests o test run sa VCMs at ginamit nila ang tunay na pangalan ng mga kandidato.
Sinabi ni Bautista na dapat ay agad nabura ang nasabing mga test votes, pero sa bahagi ng Davao del Sur, hindi nabura ang resulta ng testing, dahilan para sumama ito sa transmission at pumasok sa transparency server.
Nasa 1,797 resulta ng test votes sa Davao del Sur aniya ang pumasok sa sistema na agad ipinagtaka ng mga opisyal ng Comelec dahil ang daming botante sa Davao del Sur ay mahigit sa 300,000.
Nang malaman nilang pumasok ang test votes ay kanila itong tinanggal. Ito aniya ang dahilan ng pagbaba ng bilang ng boto ng mga kandidato.
- Latest
























