Poe sumuko na kay Duterte
MANILA, Philippines – Tinanggap na ni Sen. Grace Poe ang kaniyang pagkatalo kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte ngayong Martes ng madaling araw.
Binati ni Poe ang karibal na si Duterte na kasabay ng kaniyang pagtanggap sa resulta ng eleksyon.
“Ako si Grace Poe ay nagbibigay daan kay Rodrigo Duterte na siyang maliwanag na nangunguna at siyang napili ng nakararami nating kababayan,” wika ni Poe.
“Iginagalang ko ang resulta ng ating halalan. Binabati ko si Mayor Duterte at ipinapangako ko ang aking pakikiisa sa paghilom ng ating bayan at pakikisa ng ating bayan tungo sa pagunlad ng ating bansa,” dagdag niya.
Mula nang magbukas ang partial at unofficial na bilangan ay nanguna si Duterte habang nagpalitan sa ikalawa at ikatlong pwesto sina Poe at Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
Bago pa man ang pahayag ni Poe ay tinawagan na ng senador sa telepono si Duterte na kinumpirma naman ng alkalde.
Ilang linggo bago ang eleksyon ay hinawakan ni Duterte ang pangunguna sa mg pre-election survey, kung saan malayo ang agwat niya sa kaniyang mga kalaban tulad ng lumalabas sa bilangan ngayon.
Hindi pa maaaring magdeklara ng panalo ang Comelec dahil bukas pa lamang magsisimula ang opisyal na bilangan ng National Board of Canvassers na binubuo ng mga commissioner ng poll body.
- Latest

















