Poe, Duterte tabla sa Pulse Asia
MANILA, Philippines – Tabla na sina presidential candidates Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia.
Ang naturang data ay nakuha mula Marso 8-13 o matapos ang Supreme Court (SC) ruling na nagsasabing qualified si Poe na tumakbong pangulo dahil pasok ito sa residency requirements.
Nakakuha ng 26 percent si Poe habang 25 percent si Duterte. Itinuturing na statistically tied sina Poe at Duterte
Kasunod nila si Vice-President Jejomar Binay na may 22%, pang-apat si Mar Roxas, 20 % habang 3% si Miriam Santiago.
Samantala naungusan na ni Sen. Bongbong Marcos si Sen. Chiz Escudero sa vice presidential race. Nakakuha ng 25 percent si Marcos habang bumaba ng isang puntos si Escudero na may 24% kasunod si Leni Robredo, 20 percent.
Habang 13% si Senators Alan Peter Cayetano, Antonio Trillanes, 6% at Gringo Honasan, 5%.
Sa kabuuan, bumaba ng tig-isang puntos si Robredo at Escudero habang nakakuha si Marcos ng tatlong puntos kumpara sa March 1-6, 2016 Pulse Asia survey.
Ang survey na may 4,000 respondents nationwide ay may edad 18 anyos pataas.
Sa kabila nito, sinabi ng kampo ni Binay na hamon sa kanila ngayon ay lalong paigtingin ang pag-iikot sa iba’t ibang lalawigan at patuloy na makikipag-usap sa mga mamamayan.
Ayon kay Mon Ilagan, tagapagsalita ng UNA, patuloy na mahigpit ang labanan sa presidential race at kung titingnan umano ang margin of error ay statistically tie ang mga presidentiables.
Una na ring sinabi ni Binay na ang tunay na survey ay ang araw mismo ng halalan kung saan hahatol ang mamamayan kung sino sa mga presidentiables ang kanilang iluluklok.
- Latest
























