Kaibigan (139)
Naalala ni Dex ang mga masasaya nilang araw ni Tess sa Puerto Galera. Hindi niya malilimutan ang paglalakad nila sa buhanginan na walang sapin ang paa at hinahalikan ng alon ang kanilang mga paa.
First time din pala ni Tess na makapaglakad sa buhanginan at siya man ay ganundin. Kuwento ni Tess, hindi siya naipasyal noong bata pa siya ng kanyang papa at mama. Hanggang sa maagang namatay ang kanyang papa. Ang kanyang mama naman ay naging busy na sa trabaho at nakaisip pang mag-asawa. Bagets pa nga ang napili. Iyon ang isang dahilan kaya pinilit niyang makaalis sa kanila. Ayaw daw niyang makasama sa bahay ang halos kasing-edad niyang ‘‘asawa’’ ng kanyang mama.
At nagkataon naman ng panahong iyon ay nagkalapit silang dalawa at iyon na ang simula. Hindi na nga umuwi si Tess sa kanila at nagsama na sila. Maraming hinanakit si Tess sa mama niya. Inuna pa raw ang sarili kaysa kapakanan ng anak. Pero sabi naman ng mama ni Tess, nagsisisi siya sa ginawa. Nilayasan din siya ng bagets na asawa. Ikinuwento iyon sa kanya noong nakaburol si Tess.
Ang sarap sana kung sa pagbalik niya sa Puerto Galera ay kasama si Tess. Pero wala na si Tess. At siguro, hindi na siya pupunta roon. Baka masaktan lang siya dahil maalala ang mga masasayang araw sa Puerto.
Bakit ganun na kapag wala na ang isang tao ay saka lamang mare-realize kung gaano ito kamahal.
Muli napabuntung-hininga si Dex. Sayang talaga!
ISANG araw ng Sabado, sakay si Dex ng kanyang kotse at binabaybay ang Ayala Avenue nang mayroon siyang napansing babae na naglalakad malapit sa kanto ng Paseo de Roxas at Ayala. Usad pagong ang trapik kaya napagmasdan niya ang babae.
Si Lara!
Pinagmasdan niyang mabuti. Hindi siya maaring magkamali!
Mabilis maglakad ang babae.
Nang mag-go ang mga sasakyan, sinundan ng tingin ni Dex ang babae kung saan ang direksiyong tinutungo. Tumawid ito sa kabila.
(Itutuloy)
- Latest