Ahas sa garden (412)
ISINIKSIK pa ni Nicole ang sarili sa malagong damo. Pinipigil niya ang paghinga. Munting kaluskos lang ang malikha niya ay tiyak na makikita siya ng addict. Nakita niya ang hawak na patalim ng addict. Nasaan na kaya ang kasama nitong addict. Baka naghiwalay at nag-iba ng landas para maging madali ang paghahanap sa kanya.
Tumigil ang lalaki, may ilang hakbang ang layo sa pinagtataguan niya. Lalo nang hindi siya huminga. Napausal ng dalangin si Nicole: Diyos ko, kaawaan Mo ako. Iligtas mo po ako sa taong nasa harapan ko!’’
Matagal na nakatayo ang lalaki. Pasilip-silip sa damuhan. Iginalang mabuti ang paningin. Lahat ay sinaliksik ng tingin. Marami nang kumpol ng bituin sa langit kaya natatanglawan ang madilim na bahagi.
Paulit-ulit ang pagdarasal ni Nicole. “Iligtas mo po ako sa taong ito.”
Biglang humarap ang lalaki at sinipat ang lugar kung saan ay naroon si Nicole.
“Hmmm, mukhang may naaamoy ako. Palagay ko narito ka lang sa tabi-tabi sexy!’’ Sabi ng addict.
Hindi pa rin kumikilos si Nicole. Patuloy siyang nagdadasal.
“Lumabas ka na, Sexy! Huwag mo na akong pahirapan! Kapag pinahirapan mo ako, baka kung ano ang magawa ko sa’yo. Labas na! Huwag mo akong pagurin.’’
Humakbang pa ang addict. Palapit nang palapit kay Nicole. Hindi alam ni Nicole kung nakikita na ba siya ng addict.
Kung nakikita, sana ay dinakma na siya.
Hanggang sa pinipigil na paghatsing ni Nicole ay kumawala.
Gulat na gulat ang addict.
“Sabi ko na nga ba at nariyan ka! Labas na!’’
Walang sinayang na oras si Nicole. Bigla siyang tumayo at tumakbo. Hindi na niya alam kung saan siya pupunta. Basta tatakbo siya.
(Itutuloy)
- Latest