Sadiq (81)
“NABUSOG ako Daddy,” sabi ni Gina.
“Ang sarap mong magluto. Lalo tuloy kitang minahal.”
“Binobola mo naman ako, Mommy.’’
“Hindi kita binobola. Ang sarap talaga!’’
“Okey sige, naniniwala na ako.’’
“Paano kaya kung wala ka pa rito? Kung nasa Saudi ka pa? Ano kaya ang gagawin ko?’’
“Hindi naman kita hahayaang mag-isa rito. Kaya nga nang sabihin mo sa akin ang sakit mo, agad akong nag-resign sa Saudi. Hindi kita pababayaaan.”
“Kaya nga lalo kitang minahal. Napakasuwerte ko, Daddy.’’
“Alam mo ba nang magkausap tayo noon at nalaman ko ang sakit mo, napaiyak ako. Sa sobrang pagkaawa ko sa’yo talagang napaiyak ako. Nakita pa nga ni JayR ang pag-iyak ko.’’
“Sinong JayR?’’
“’Yung kaibigan ko. Yung lagi kong ikinukuwento sa’yo na kasama sa kuwarto.’’
“A oo. Nalimutan ko. Makakalimutin na yata ako mula nang mag-chemo.’’
“Nakita ni JayR ang pag-iyak ko at nagtataka siya kung bakit. Sinabi ko na may sakit ka. Sa kanya ko rin unang sinabi ang balak kong pagre-resign para madamayan ka.’’
Hinawakan ni Gina ang palad ni Sadiq at pinisil-pisil.
ISANG tanghali, araw ng Biyernes, may tumawag kay Sadiq sa cell phone nito. Habang nakikipag-usap ay masayang-masaya. Nagtatawa nang malakas.
Nagtataka namang nakatingin si Gina sa asawa.
(Itutuloy)
- Latest